MANILA, Philippines — Dalawang butas ang nadiskubre ng Engineering Department ng Valenzuela City na dahilan ng patuloy na pagbaha sa Brgy. Wawang Pulo at karatig lugar nito.
Lumilitaw na dalawang malaking butas sa dike na sakop ng bayan ng Obando Bulacan ang pinaglalagusan ng tubig na napupunta sa Wawang Pulo sa Valenzuela City. Nadagdagan pa ito tuwing high tide.
Natukoy ang lokasyon ng mga butas ng dike ng Obando sa Pala-Pala na mayroong 20 meters ang lapad habang ang pangalawang butas ay nasa Floodgate ng lawa.
Dati nang nilagyan ng mga sandbags ang dalawang butas ngunit hindi rin daw ito kinaya.
Dahil dito, nagpulong na sina Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian at Obando Bulacan Mayor-elect Ding Valeda para hanapan ng solusyon ang mga butas ng dike.
Kabilang sa napagkasunduan ay ang pagdaragdag ng mga sand bags at mabilis na pakikipagdayalogo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa agarang repair ng dike.