MANILA, Philippines — Umabot na sa 109 residente ng Tondo District 1 sa Maynila ang nagpositibo sa isinagawang rapid testing para sa coronavirus disease 2019 na ikinasa sa pagtatapos ng ipinatupad na ‘hard lockdown’ sa lugar.
Sa ulat ng Manila Health Department, nasa 1,451 residente ang isinailalim sa rapid testing na lagpas sa target na isanlibo. Isinagawa ang testing sa T. Paez High School, Tondo High School, Rizal Elementary School at Almario Elementary School.
Lahat ng nagpositibo ay isasailalim din sa swab test RT-PCR para sa kumpirmasyon sa Delpan Quarantine Facility. Kapag nagpositibo, dadalhin ang mga ito sa Ninoy Aquino Stadium Quarantine Facility kung asymptomatic at sa Sta. Ana Hospital naman kung may karagdagang medical condition ang pasyente.
Samantala, umabot na sa 281 mga pasaway na taga-Tondo ang dinakip ng Manila Police District dahil sa paglabag sa panuntunan ng ‘hard lockdown’ dakong alas-8:40 kamakalawa ng gabi.
Nag-umpisa ang ‘hard lockdown’ sa Tondo District 1 noong Linggo at nagtapos kahapon ng alas-5 ng madaling araw na tumagal ng 48-oras. Wala namang plano pa si Mayor Isko Moreno na i-extend ito ngunit sinabi niya na maaari pang magpatupad siya ng ‘hard lockdown’ sa iba pang distrito.