2 Manila malls nanganganib ipasara dahil sa ibinebentang 'nakaw' na cellphone

"Binabalaan ni Mayor Isko Moreno na ipasara ang Tutuban Mall at Isetann Mall sa loob ng 72 oras kung patuloy nilang kakanlungin ang mga secondhand mobile phone vendors na bumibili at nagbebenta ng nakaw na telepono," ani Julius Leonen, hepe ng Manila Public Information Office, sa Inggles.
Released/Manila Public Information Office

MANILA, Philippines — Binantaan ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang dalawang malls kasunod ng diumano'y bentahan ng mga nakaw na unit ng telephono.

Ilan sa mga ito ay ang Tutuban Mall at Isetann Mall.

"Binabalaan ni Mayor Isko Moreno na ipasara ang Tutuban Mall at Isetann Mall sa loob ng 72 oras kung patuloy nilang kakanlungin ang mga secondhand mobile phone vendors na bumibili at nagbebenta ng nakaw na telepono," ani Julius Leonen, hepe ng Manila Public Information Office, sa Inggles.

Inilabas ang pahayag Lunes ng umaga kasunod ng kaliwa't kanang nakawan sa lungsod, na nagresulta sa pagkakaaresto ng ilang personahe.

Iniharap din ngayong araw ang mga suspek matapos ang flag-raising ceremony ng lungsod.

Ika-12 ng Setyembre nang maaresto ng Manila Police District Special Mayor's Reaction Team ang isang 18-anyos na lalaki matapos tangkang holdapin ang isang 21-anyos na service crew sa Tondo, Maynila.

Sinundan naman ito ng follow-up operation sa ikatlong palapag ng Tutuban Mall, na ikinahuli ng 33-anyos na si Hamza Sangcopan, isang negosyante, sa salang paglabag sa Presidential Decree 1672 o Anti-Fencing Law of 1979.

Nasakote si Sangcopan matapos diumano bumili at magbenta ng "nakaw" na Oppo A83 na nagkakahalaga ng P10,000.

Arestado naman ang lima katao noong sumunod na araw matapos salakayin ng MPD SMaRT at Manila Bureau of Permits ang ika-apat na palapag ng Isetann Cinerama Complex sa Recto, Maynila.

Nasa 148 na halu-halong smartphones ang nakumpiska kasunod ng operasyon.

Kasama sa mga humaharap sa paglabag ng PD 1612 at Article A-34 ng Section 199 ng 2013 Omnibus Revenue Code ng Maynila sina Arlin Ampado, Labrynth Camino, Renisa Nunez, Jonathan Tagapan at Louichi Perito.

Isang menor de edad na may 14 taong-gulang din ang diumano'y sangkot sa pagbebenta ng nakaw na cellphone.

Ayon sa summary report na inihanda ng MPIO, anim na menor na ang nahuli sa robbery snatching, isa ang nasa kostodiya ng MPD SMaRT habang lima rin ang hawak na ng Manila Department of Social Welfare.

"Inutusan ko ang BPLO na inspeksyunin ang lahat ng malls sa Maynila, at papanagutin ang mga nagbebenta ng phones na GSM [galing sa magnanakaw]," dagdag ng mayor.

Magsasagawa na rin daw ng imbestigasyon ang MPD SMaRT kung may makakasuhan ng human trafficking kaugnay ng kaso.

Show comments