MANILA, Philippines - Nagdulot ng tensiyon sa mga residente at sa katabing bahay-ampunan ang sunog na naganap sa bunkhouse na nagsisilbing barracks ng isang towing and trucking company, sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Nabatid sa Manila Fire Department na dakong alas 6:05 ng umaga nang magsimula ang sunog na umabot lamang sa 1st Alarm at ganap na naapula 6:34 ng umaga .
Partikular na nasunog ang nasa 10 silid ng bunkhouse, na yari sa container van at kahoy, na tinutuluyan ng mga trabahador ng C.B. Barangay Enterprises Towing and Trucking Services Inc. sa Sagrada Pamilya St., Sta. Ana, Maynila, na pag-aari ng isang Cecilia Barangay na nagpaparenta ng traktora, forklift at iba pang makinarya.
Isang nag-overheat na electric fan ang sanhi ng sunog, na nasa ikalawang palapag ng bunkhouse , ayon sa MFD.
Hindi naman nasunog ang kalapit na Missionaries of the Poor na kumakalinga sa mga batang may cerebral palsy at mga matatandang inabandona subalit nataranta pa rin sa paglilikas gamit ang mga wheelchair nang ilabas, dahil sa kapal ng usok.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasugatan.