MANILA, Philippines - Utas ang dalawang holdaper matapos makipagbarilan sa mga pulis kahapon ng madaling araw sa Las Piñas City.
Habang sinusulat ang balitang ito ay inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga napatay na suspect.
Sa inisyal na report ni Senior. Supt. Jemar D. Modequillo, hepe ng Las Piñas City Police, lumitaw na bago ang insidente, isang taxi ang hinoldap umano ng mga suspect sa bahagi ng Brgy. Talon Uno ng naturang lungsod pasado alas-2:00 ng madaling araw.
Nabatid na sumakay umano ang dalawang suspect sa taxi na pinapasada ni Mar-celo Susondoncillo, (UVJ 575) sa bahagi ng Tramo, Pasay City at magpa-pahatid ang mga ito sa area ng Las Piñas City.
Subalit pagsapit sa may Brgy. Talon Uno ng naturang siyudad ay nagdeklara umano ng holdap ang mga suspect.
Tinutukan umano ng baril ang driver ng isa sa mga suspect habang ang isa naman ay kinuha ang kanyang kinitang pera sa pamamasada na nagkakahalaga P1,700.00.
Matapos ang insiden-te, papatakas na sana ang mga suspect, ngunit nagkataon namang may paparating na police mobile patrol kung saan namatyagan ang mga suspect.
Kaagad na pinaputukan ng mga holdaper ang mga pulis dahilan upang gumanti ng putok ang mga alagad ng batas. Sa palitan ng putok, bumulagta at wala ng buhay ang nasabing mga holdaper.
Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre .45 baril at sumpak.