3 sa ‘hijack me’ timbog

MANILA, Philippines - Tatlong suspek na  pinaniniwalaang sangkot sa ‘hijack me’  ang inaresto matapos na ituro na tumangay ng mga produkto­ na sa halip na ideliber sa Sucat, Parañaque ay dinala sa Tondo­, Manila kamakalawa ng hapon.

Sa joint affidavit  of apprehension  nina SPO2 Larry Javier­, SPO1 Uldarico Dela Cruz at PO2 Randolf Pelleso na isinumite kay Chief Inspector Arsenio Riparip, hepe ng MPD Gene­ral Assignment Section, humingi ng responde sa pulisya ang complainant na si Jose Pedrosa, 63, president ng JJLC Logistics Philippines Corporation ng Banay-Banay, Cabuyao, Laguna matapos na matunton sa pamamagitan ng GPS ala-1:00 ng hapon noong October 26, 2015 na ang delivery truck niya na Isuzu (WIH 281) ay nasa Sta. Maria St., Tondo imbes na nasa Puregold Sucat, Parañaque.

Ayon sa complainant, ang delivery truck ay may lamang kargamento na nagkakahalaga ng P162,259.34 nang biglang magbago ng landas, kaya sa pangambang na-hijack o nakarnap ang kanyang sasakyan at  nanakaw ang mga kargamento ay agad niyang inireport sa MPD General Assignment Section.    

Dahil dito, agad na dineploy ni Riparip ang grupo ni SPO2 Javier upang beripikahin  ang report at pagdating  sa nasabing lugar nakita na nakaparada ang nasabing delivery vehicle habang ang mga suspek na sina Ramie Asada, 37, driver; Reyman Gagui, 30, pahinante; at Oliver Dychia, 33, pawang ng Laguna ay namamahinga sa loob ng truck, wala rin ang mga kargamentong dapat idiliber sa Parañaque.

Nang sitahin ng grupo ng pulis kung bakit sila (mga suspek) naroroon ay walang maibigay na dahilan kaya dinala sila sa himpilan ng pulisya.

Kaugnay nito, pinatawag ni Riparip ang complainant na si Pedrosa na positibong kumilala kina Asada at Gagui na kanyang mga kawani at si Dychia na buyer ng mga nawalang produkto.

Walang maibigay na dahilan ang mga suspek na kakasuhan ng carnapping at qualified theft sa Manila Prosecutors Office.

Show comments