MANILA, Philippines – Nahaharap sa patung-patong na kaso ng paglabag sa Access Devices Regulation Act of 1998 ang isang dating customer service represen-tative ng isang kompanya nang maaresto sa aktong tinatanggap ang isang American Express (AMEX) credit card replacement na kaniyang ni-request na ang may-ari ay nakabase sa Estados Unidos, sa ulat kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sa report ng NBI-Interpol, ang suspek na si Lou Philip Shawn Castañeda ay sinampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 8484 Section 9 o Access Devices Regulation Act of 1998 sa Quezon City Prosecutors Office matapos madakip sa isang entrapment operation sa kanyang bahay sa Brgy. Pinagkaisahan, Quezon City kamakailan sa reklamo ng isang Atty. Jeralyn Jalagat, manager ng Global Security Service, Amercian Express International, Inc., Philippines.
Nabatid na noong Agosto 20, 2015 nang magpanggap na delivery men ng isang carrier service ang ilang NBI agent para ideliber ang request na AMEX credit card ng suspek at sa puntong na-receive niya ang nasabing card ay inaresto siya matapos magprisinta ng valid identification na professional driver’s license, na may pangalang Dario Boiles. Sinabi niya na siya ang Dario Boiles, gayung natukoy na ng NBI na ang nasabing pangalan ay nakabase sa Amerika at hindi naman umano nag-request ng replacement .
Ayon pa sa rekord na iprinisinta ni Atty Jalagat sa NBI, nagawa ng suspek na magsumite ng mga pekeng dokumento para sa request ng replacement.
Natukoy din na ang suspek simula noong 2014 ay may 20 application sa siya sa credit card at walo (8) sa mga ito ang natukoy na fraudulent transactions na umabot sa US $141,042.15 ang natangay.
Natunton din ng NBI na ang suspek ay dating customer service representative ng Hinduja Global Solutions Limited (HGSL), isang third party customer service ng AMEX kaya siya nagkaroon ng access sa mga confidential information ng mga kliyente.