MANILA, Philippines – Bangkay na nang matagpuan ang isang ginang malapit sa tumpok ng basura na nagtamo ng tama ng bala sa ulo, kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.
Nakilala ang nasawi na si Marletta Quianzo, 38, residente ng P. Concepción St., Brgy. Tugatog, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:30 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ni Quianzo sa gilid ng kalsada sa kanto ng Roque at MH Del Pilar Street, sa naturang barangay.
Natagpuan ng pulisya ang tatlong maliit na plastic sachet na naglalaman ng shabu sa ibabaw ng bangkay nito malapit sa ulo.
Sa imbestigasyon, huling nakitang buhay ang biktima nitong nakaraang Linggo nang magpaalam sa kapatid na si Margie na bibisita sa anak na si Margarita at apo. Hindi na nakarating sa bahay ng anak ang biktimang ginang hanggang sa matagpuan ang kanyang bangkay.
Sa rekord, nasangkot si Quianzo sa pamamaslang sa live-in partner nito na si Rolando Lunday nitong nakaraang Agosto 11. Huling narinig na nagtatalo ang dalawa sa inuupahang kuwarto hanggang sa umalis ang babae at kinalauna’y natagpuang patay ang lalaki dahil sa tama ng bala.
Naimbitahan si Quianzo ng mga imbestigador ngunit itinanggi na may kinalaman siya sa pagkasawi ng kinakasama.