Magkapatid na paslit, natusta sa sunog
MANILA, Philippines – Nalitson nang buhay ang dalawa sa apat na magkakapatid matapos tupukin ng apoy ang kanilang bahay, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Halos hindi na makilala ang mga biktimang sina Gabriella, 7; at Danny Castro, 2, matapos matagpuan sa loob ng kanilang kuwarto dahil sa pagkatupok ng mga ito.
Lumalabas sa report ni FO3 Alwin Culianan, arson investigator ng Caloocan City Bureau of Fire, alas-2:40 ng madaling-araw nagsimulang sumiklab ang apoy sa isang residential building, na pag-aari ni Eusebio Castro, 49, na matatagpuan sa Block 17, Lot 34 Diamond St., Merry Homes II, Camarin, Brgy. 172 ng nasabing lungsod.
Nagsimula ang sunog sa sala at ang namatay na si Gabriella pa ang nanggising sa kuya nitong si Johnroy, 10, at kapatid na si George, 4-taong gulang na nagawang makatalon sa bintana.
Bigo namang makatalon din sa bintana ang mga biktima at hindi nailigtas ang kanilang sarili.
Nabatid na tanging ang magkakapatid lamang ang naiwan sa bahay makaraang umalis ang kanilang mga magulang.
Tinatayang aabot sa isang milyong halaga ang napinsala at alas-3:40 ng madaling-araw nang maapula ang apoy.
Wala namang nadamay na iba pang bahay at patuloy na inaalam kung faulty electrical wiring ang sanhi ng insidente.
- Latest