MANILA, Philippines - Isa umanong abogado ang isa sa mga unang nasampolan at inaresto sa pagsisimula sa ipinatupad na anti-drunk driving drugged act ng Land Transportation Office(LTO) sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Sa ulat ni PO3 Edward Rimando ng Quezon City Police Station 10, ang suspect ay nakilalang si Manuel Angelo Ventura III, 34, Brgy. Pinyahan sa lungsod.
Si Ventura ay inaresto nina Resty Dagsa ng LTO-NCR at Feliciano Tan ng LTO Central Office matapos na mabigo ito sa isinagawang sobriety test makaraang makalanghap ng alkohol ang mga huli.
Ang sobriety test ay isang uri ng pagsusuri sa taong hinihinalang nakainom ng alak habang nagmamaneho ng sasakyan sa pamamagitan ng pagpapalakad ng tuwid sa kalye tulad ng ginawa kay Ventura pero nabigo ito.
Sa imbestigasyon ni PO3 Rimando, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Timog Avenue, kanto ng Sct. Torrillo, Brgy. Sacred Hearth, ganap na alas-11:30 ng gabi.
Bago ito, nagsasagawa ng operasyon ang LTO-NCR law enforcement Unit laban sa Anti-Drunk Driving sa nasabing lugar nang mapadaan si Ventura sakay ng kanyang Honda City at pahintuin dahil sa paglabag na tinawag na swerving.
Habang iniinterbyu umano ng mga law enforcer na si Dagsa si Ventura ay naamoy nito ang alkohol na nagmumula sa hininga ng huli dahilan para isagawa rito ang sobriety test.
Mula rito, nalaman din ng mga enforcer na walang dalang lisensya si Ventura nang magmaneho ng kanyang sasakyan, sanhi para dalhin na ito sa nasabing himpilan para sa kaukulang disposisyon.
Kasong paglabag sa Republic act 10586 o ang anti-drunk driving drugged act of 2013 ang kinakaharap ngayon ni Ventura.