MANILA, Philippines - Tatlong libong preso sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) ang grumadweyt kahapon sa ilalim ng programang Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd).
Dinaluhan mismo ni Education Sec. Armin Luistro ang naturang graduation rites sa NBP na isa aniya sa mga pinakamagandang graduation para sa kanya.
Ang mga nagsipagtapos ay kumuha ng ALS Accreditation and Equivalency (A&E) test, basic literacy sa elementarya at mga nagtapos sa vocational courses sa ilalim ng TESDA.
Ikinatuwa ni Luistro na maraming preso ang nakiisa sa programa at tiniyak na patuloy na isusulong ng DepEd ang ALS.
Aniya, sa pamamagitan nito ay naipakita nilang kahit nasa maximum security ang isang tao ay maaari pa ring isabuhay ang kalayaan sa pamamagitan ng pag-aaral.
Humingi rin ng paumanhin si Luistro sa mga bilanggo dahil sa naging pagkukulang ng lipunan sa kanila noong sila’y nasa labas pa ng piitan.
Nabatid na sa ilalim ng ALS program sa NBP, ang mga nagtuturo sa mga bilanggo ay kapwa rin nila bilanggo, na sertipikado at beteranong guro.