MANILA, Philippines – Inihayag ng organizer ng Black Nazarene na tinatayang aabot sa 15-milyong deboto ang dadagsa sa Pista ng Itim na Nazareno sa Biyernes kaya’t puspusan ang ginagawang paghahanda ng Manila Police District para sa seguridad ng lahat.
Ayon kay MPD Director Senior Supt. Rolando Nana, sa ganitong kalaking bilang kailangan ang pinagsama-samang puwersa mula sa MPD, NCRPO, Coast Guard, force multiplier, task force, medical at maging ang first responder team ng Manila Disaster Risk Reduction Management Council.
Nagdo-double time na rin ang mga kinauukulan sa pag-aayos sa Quirino Grandstand para sa pagdating ng Santo Papa at sa pahalik sa Pista ng Poong Nazareno kung saan magsisimula ang Traslacion.
Bukod sa orihinal na imahen, isang replika ang ilalagay sa Quirino Grandstand para sa pahalik.
Pwede ring pumunta ang mga deboto sa iba pang diocese na may replika ng imahen ng Black Nazarene.
Siyam na pilgrim image na ang naipadala ng Simbahan ng Quiapo mula noong 2010 kabilang sa Cagayan de Oro, Iligan, Isabela; Ipil, Zamboanga; Borongan, Eastern Samar; Talibon, Bohol; Capiz, Catarman, Bayombong, Nueva Vizcaya; at Malolos, Bulacan.
Bukas hanggang Biyernes, may vigil mass sa Quirino Grandstand, at pagpatak ng alas-5:00 ng madaling-araw sa mismong araw ng kapistahan sa Biyernes, magmimisa si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle bago ang traslacion.
Tulad din noong isang taon ang ruta ng andas.
Mula Quirino Grandstand, didiretso sa Katigbak Drive at Padre Burgos, kakaliwa sa Taft Avenue, tatawid sa Jones Bridge at papuntang Escolta.
Tiniyak naman ng Manila City government na ligtas ang daraanan ng traslacion. Halos 30,000 ang volunteers para sa kapistahan kasama ang 3,000 medical volunteers at 39 na ambulansya.