MANILA, Philippines – Nagpalabas na ng traffic advisory para sa rerouting ng mga behikulo ang Manila Traffic Enforcement Unit bago at sa mismong araw ng Pista ng Itim na Nazareno.
Huwebes ng gabi o Enero 8 alas-9:00 ng gabi ay pansamantalang isasara ang Katigbak at South Drives sa Roxas Boulevard, sa malapit sa Luneta.
Ang papa-southbound ay hindi maaring pumasok sa Bonifacio Drive sa halip ay sa Anda Circle pakanan sa A. Soriano at diretso sa Magallanes Drive. Sa pagsapit sa P. Burgos ay kakanan patungo sa Lagusnilad na babagsak sa Taf Avenue.
Ang mga nasa northbound naman ay hindi na dapat pumasok pa sa Roxas Boulevard at sa halip ay kumanan na sa TM Kalaw, kaliwa sa M. Orosa, at kaliwa uli pagdating sa Intramuros gate at kaliwa pa sa A. Soriano at sa kanilang destinasyon.
Kung sila ay northbound sa Taft Ave. ay maari nang kumanan sa Ayala Avenue patungo sa destinasyon. Sa araw ng kapistahan sa Enero 9, hatinggabi ay mas maraming re-routing schemes ang ipatutupad.
Kabilang sa apektado na hindi maaaring daanan ng mga motorista ang tatlong malalaking tulay o ang Mc Arthur Bridge, Jones Bridge at Quezon Bridge.
Sarado rin ang parehong lane ng Quezon Boulevard sa Quiapo at apektado rin ang Andalucia patungong V. Fugoso at España Boulevard hanggang P. Campa.
Kung magmumula sa Quezon City, hindi maaring dumaan sa kahabaan ng España kundi kumanan sa P. Campa, kaliwa sa Andalucia, kanan sa Fugoso, kanan sa CM Recto.
Sa mga pampasaherong jeep at maliliit na sasakyan na magmumula sa España patungo sa Pier South ay kumanan sa Nicanor Reyes, kanan sa Recto o kumaliwa sa Mendiola, habang ang mga magmumula sa Legarda ay dapat kumanan sa Recto o kumaliwa sa Mendiola,.
Ang magmumula naman sa Rizal Avenue ay dapat na kumanan sa Fugoso o sa CM Recto. Sa mga cargo at heavy trucks na magmumula sa south, ay dapat dumaan sa Pres. Osmeña, kanan sa Pres. Quirino patungong Nagtahan sa A. Lacson, diretso sa SM San Lazaro palabas ng Capulong St., gayundin ang magmumula sa north (vise-versa).
Lahat naman ng mga bus na galing sa southern na dadaan sa Taft Avenue ay hanggang sa Remedios St. lamang pagtuntong ng alas-5:00 ng madaling araw ng Enero 9.