MANILA, Philippines – Dinisarmahan kahapon ni Manila Police District (MPD) Acting Director Chief Superintendent Rolando Nana ang mga miyembro ng District Anti-Illegal Drugs matapos ang sorpresang inspeksiyon kung saan nakakuha sa kanilang mga locker ng iligal na droga, pera at paraphernalia sa pagsinghot ng shabu.
Ayon kay Nana, ang inspeksiyon ay bilang paglilinis niya sa sariling bakuran laban sa iligal na droga.
Dakong alas-8:00 ng umaga kahapon nang isagawa ang inspeksiyon sa lahat ng mga tauhan ng DAID, District Intelligence Division (DID) at District Special Operation Unit (DSOU) at nang makatanggap ng impormasyon si Gen. Nana hinggil sa iligal na droga na itinabi diumano ng mga operatiba, tinungo nito ang DAID office at dinistrungka ang lahat ng locker.
Doon na tumambad ang mga nakatago umanong shabu, pera at ilang paraphernalia sa shabu. Dinisarmahan ang 10 DAID members.
Agad na ring iniutos ni Nana sa Pre-Charge Evaluation Unit na imbestigahan ang mga operatiba ng DAID at isalang sa drug tests.
Nakadepende pa umano sa lalabas na resulta ng imbestigasyon kung sila ay makakasuhan ng criminal at administratibo, o maari namang manatili sa pwesto sakaling makapagpaliwanag hinggil sa mga ebidensiyang nakita sa kanilang locker.