MANILA, Philippines - Pinangunahan ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte kahapon ang pagsasagawa ng public consultation sa district 2 at district 5 ng QC para makuha ang damdamin ng mga maliliit na negosyante dito tungkol sa takdang pagpapatupad sa magna carta for micro and small business enterprises.
Ayon kay Belmonte, layunin nito na matulungan ang maliliit na mga negosyanteng taga- lungsod na umunlad at makipag- kumpetisyon sa ibang mga negosyo .
“We will help them kung paano mabuhay, dito maipapadama natin sa mga tao laluna ng mga maliliit na negosyante na puwede pala silang makipag kumpetisyon sa ibang businesses sa tulong ng magna carta” paliwanag pa ni Belmonte.
Ang tanggapan ni Belmonte ay iikot sa iba’t ibang distrito sa lunsod upang isagawa ang public consultation tungkol sa magna carta, ang hakbang ay isang requirement o magiging basehan kung nararapat nga bang maipatupad sa QC ang naturang magna carta.
Ang magna carta for micro and small business enterprises ang lilikha sa QC small business development and Promotion Office at bubuo sa micro and small enterprise development council na layuning tulungan ang mga maliliit na negosyante na umunlad sa kanilang pamumuhay.
Sa ilalim ng Magna carta, ang mga micro at small businessmen na may puhunan na P3 milyon pababa ay bibigyan ng 20 percent discount sa business tax sa loob ng 3 taong operasyon.