MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ang isang guwardya nang barilin ito ng isa sa dalawang hindi kilalang lalaki lulan ng motorsiklo makaraang hindi padaanin ng una ang mga huli sa binabantayan nitong gate sa Caloocan City, kahapon ng umaga.
Inoobserbahan sa Tala Hospital sanhi ng tama ng bala sa tiyan ang biktimang si Roy Nugas, 21, ng Phase 4, Bagong Silang ng naturang lungsod.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Caloocan City Police, naganap ang insidente alas-2:45 ng madaling-araw sa Gate 2, Victory Heights Subdivision ng naturang lungsod habang nakabantay ang biktima sa gate ng naturang subdivision nang dumating ang mga suspek sakay ng isang Honda Wave na hindi na nakuha ang plaka.
Nabatid na nagpupumilit ang mga ito na makapasok sa gate. Hindi naman pumayag ang biktima hanggang sa magalit ang isa sa mga suspek sabay bunot ng baril at pinutukan ang naturang guwardya bago nagsitakas.
Dinala naman ang biktima sa naturang ospital kung saan inaalam na ng mga pulis kung sino ang mga suspek.(Lordeth Bonilla)