Sangkot sa kidnap for ransom Ex-police na most wanted, todas sa engkuwentro

MANILA, Philippines - Isang dating pulis na itinuturing na most wanted criminal sa bansa dahil sa pagkakasangkot sa kaso ng kidnap for ransom ang napatay ng mga tauhan ng Quezon City Police matapos ang naganap na engkuwentro kahapon ng madaling araw sa nabanggit na lungsod.

Kinilala ni QCPD director  Chief Supt. Richard Albano ang nasawing wanted na si Reniel Abogado, na dating may ranggong PO1 base sa na­kuhang driver’s license ng LTO sa kanyang bulsa, maka­raan ang engkuwentro.

Sabi pa ng heneral, ang pagkamatay ni Abogado ay magsisilbing kalutasan sa prob­­lema ng pamilya ng kanyang mga biniktima, partikular sa kaso ng kidnap for ransom sa Cavite kung saan napatay ng grupo nito ang isang retiradong piloto at ang driver nito noong taong 2008.

Dahil sa mga kasong KFR with double murder na kinaharap ni Abogado, itinuring ito sa most wanted criminals ng Phi­lippine National Police (PNP) at PACER ay may patong na P300,000 sa kanyang ulo.

Samantala, sa imbestigas­yon ni PO2 Ericson Isidro, may-hawak ng kaso, nangyari ang engkwentro sa may kahabaan ng Payatas Road, Vialago St., Brgy. Payatas, ganap na alas-4:20 ng mada­ling-araw.

Bago ito, isang negosyan­teng si Arnel Roldan ang hi­noldap at tinangayan ng pera at motorsiklo ni Abogado ha­bang papasakay ang una ng kanyang Yamaha Mio MX 125 (7985-CA) sa harap ng kan­yang tindahan sa may kaha­baan ng Congressional Dhalia St., Brgy. Payatas.

Sabi ni Roldan, nagulat na lang siya nang biglang sumulpot mula sa kanyang likuran ang dalawang suspek at tinutukan siya ng baril.

Kasunod nito, ay sinam­sam ng mga suspek ang pera ni Roldan na halagang P10,000; dalawang shades P17,000; isang Samsung cellphone at body bag P12,000; at motorsiklo, bago nagsipagtakas. Agad namang ipinagbigay alam ni Roldan ang insidente sa Police Station 5.

Habang nagsasagawa ng Oplan Sita ang QCPD Anti-carnapping Unit, Motorcycle unit sa may kahabaan ng Payatas Road, corner Molave, naispatan nila ang nasabing motorsiklo sakay si Abogado.

 

Show comments