Kelot nakipaglamay, napatay

MANILA, Philippines - Pinaglalamayan na rin ngayon ang isang 29-anyos na lalaking nakipaglamay lamang sa nakaburol na kakilala, nang mapatay sa saksak nang nakaalitan sa pakikipaglaro ng pusoy sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang biktimang si Federico Jorquia, helper at residente ng Mabuhay St., Road 10, Tondo, Maynila na nag­tamo ng mga saksak sa kaliwang dibdib at kanang balikat. Hindi na ito umabot  pang buhay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC).

Pinaghahanap pa ang suspect na kinilalang si Michael Lopez, 40, ng  Tondo, Maynila.

Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong­ alas-2:00 ng madaling-araw nang pumunta ang biktima sa lamay ng namayapang ka­-lugar at habang naroon ay nagkatuwaan umanong makipag-pusoy sa suspect na si Lopez at dalawa pang lalaki.

Talunan umano si Lopez at sa pag-aakalang dinaya siya ng biktima ay sinuntok ito sa mukha.

Umuwi ang biktima at nagsumbong sa kuya nitong si “Sonny” subalit pinagsabihan lamang siya na huwag nang bumalik sa lamay at matulog na lamang.

Hindi nagpasaway ang bik­tima dahil hindi umano ma­tanggap na sinapak siya at hindi nakaganti kaya bumalik ito sa lamay lingid sa  kaalaman ay naroon pa ang suspect na nakahanda sa kanyang resbak.

Hindi alam ng biktima na armado ang suspect ng patalim at  sa pagbabalik niya ay doon na siya pinagsa­saksak ng suspect  na tumakas ma­tapos ang isinagawang krimen.

 

Show comments