Kano ‘tirador’ ng TV sa mga motel, tugis

MANILA, Philippines - Tinutugis ngayon ang isang Amerikano na sangkot sa serye ng pagnanakaw sa mga tinu­tuluyang motel makaraang muling makapambiktima nang tangayin ang tele­bisyon ng isang lodging house sa Pasay City, kamakalawa ng hapon.

Nakilala ang dayuhan sa pamamagitan ng kanyang driver’s license na si Marco Gonzaga Saca, residente ng Malibu Hills, California, USA. Ito ay makaraang tangayin nito ang isang television unit buhat sa inokupahang silid sa Victoria Court, Cuneta Avenue, Pasay at tumakas nang hindi nagbabayad ng hotel bills na umabot sa halagang P10,210.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Joel Landicho ng Pasay police, nag-check-in mag-isa sa naturang hotel ang suspek sakay ng kotseng Volvo (UPZ-452) noong Lunes ng hapon at umorder pa ng makakain.

Dakong alas-2:30 ng hapon kamakalawa nang lumabas ng hotel at basta na lamang tumakas ang dayuhan lulan ng kanyang sa­sakyan nang hindi nagbabayad ng kanyang bill. Hinarangan naman ng mga hotel attendant­ ng isang “improvised barrier” ngunit sinagasaan lamang ito ng suspek at diretsong nakatakas.

Nasugatan pa ang empleyado na si Josemari Rancapan, makaraang mata­maan ng piraso nang nasirang harang. Nang inspek­syunin ang loob ng inokupahang silid nito, nabatid na nawawala ang flat television unit na hinihinalang tinangay ni Saca.

Napag-alaman na noong Hunyo 8 ay nagtangay din ng flat television sa inokupahang silid ang suspect sa Victoria Hotel sa M. Adriatico sa Malate, Manila saka isinunod ang Victoria Court sa Buendia, Pasay noong Hunyo 9 na ninakawan din nito ng telebisyon bukod sa hindi pagbabayad ng kanyang bills.

Nakatakdang sampahan ng kasong estafa, theft at physical injury ang dayuhan sa Pasay City Prosecutor’s Office habang nakikipag-ugnayan ngayon sa US Embassy ang pulisya para ialarma ang kaso ni Saca.

Show comments