Babaeng ‘fixer’ na napatay ng sekyu, pekeng Army captain

MANILA, Philippines - Impostor at hindi ka­ilanman naging miyembro ng Philippine Army ang isang babae na pi­nagbabaril at napatay ng isang security guard na kinokotongan nito, kamakalawa sa Cubao, Quezon City.

Ito ang nilinaw kahapon ni Army Spokesman Lt. Col. Randolph Ca­bangbang matapos ibe­ripika sa kanilang roster­ ang pangalan ng nasawing biktimang nagpakilalang si Army Captain Christine Tugade.

Sa halip, ayon kay Ca­bangbang ay ang suspect na si Melodio Tindoy, secu­rity guard na nagta­trabaho sa Kintanar Security Agency na nakatalaga sa Philtranco Bus Terminal sa Cubao, Quezon City ang dating miyembro ng Army pero natanggal sa serbisyo matapos na umano’y mag-AWOL.

Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na nag­pakilala si Tugade kay Tindoy bilang opisyal ng Army at nangakong tutulungan ang huli na makabalik sa serbisyo kapalit ng P10,000 halaga.

Napagtanto naman ni Tindoy na nangongotong lamang ang lady fixer sa kanya kaya isinuplong nito ang insidente sa pulisya.

Gayunman, bago pa man makapagsagawa ng entrapment operation ang pulisya ay binaril at napatay na ng nasa­bing security guard ang lady fixer saka mabilis na tumakas sa insidente. Nakuha pa sa bangkay ng biktima ang isang pekeng ID ng Philippine Army.

Show comments