Ginang todas sa riding in tandem

MANILA, Philippines - Patay ang isang 63 an­yos na dating ume-ekstra sa pelikula makaraang pagba­barilin ng riding in tandem suspect habang naglalakad galing sa pagsimba sa lungsod Quezon kahapon.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Estrella Quides, may-asawa ng #126 Kaimito St., Area B, Brgy. Payatas sa lungsod. 

Ang mga suspect na pawang mga nakasuot ng itim na jacket at sakay ng isang motorsiklo ang mabilis na tumakas makaraan ang pananambang.

Ayon kay SPO1 Eric Lazo, may-hawak ng kaso, tanging ang gunman lamang ang may takip ang mukha upang hindi makilala.

Lumilitaw sa pagsisiya­sat na nangyar ang insidente sa may harap ng Macalintal Bakery sa San Bautista St., corner Sto. Niño, Brgy. Payatas ganap na alas-8:30 ng umaga.

Ayon sa anak ng biktima, galing umano sila sa pagsamba sa may Mother Devine Provident Church at naglalakad papauwi nang makarinig na lang siya ng mga putok ng baril mula sa kanyang likod.

“Nauna kasi ako ng konti sa nanay ko, tapos habang naglalakad kami, may pumutok sa likod ko, paglingon ko, yun na po nakita ko na lang na nakahandusay ang nanay ko at duguan,” sabi ng dalaga.

Ilang metro ang layo ay nakita umano niya ang isang motorsiklo sakay ang mga suspect na humaharurot papalayo sa nasabing lugar.

Dagdag ng anak, bago ang insidente, napuna na umano niya ang dalawang lalaki na umaaligid sa kanila habang nasa labas ng simbahan at nagdarasal. Pero binalewala niya lamang ito dahil wala naman sa isip niya na may mangyayaring masama sa kanyang nanay.

Kuwento naman ni Perce­velando, asawa ng biktima, maaaring ang ugat ng pa­mamaril sa kanila ay ang away sa lupa dahil may uma­angkin umano sa kanilang tinutuluyang lugar na ka­nilang ini­reklamo dahil na rin sa panggugulo sa kanila.

Hindi  muna pinangala­nan ni Percevelando ang ka­alitan dahil sa isinasagawang im­bestigasyon.

Show comments