MANILA, Philippines - Isang empleyado ng Manila City Hall ang dinakip matapos na ireklamo ng kanyang ex-girlfriend dahil sa pag-upload ng kanilang sex photos sa Facebook sa Sampaloc, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Kalaboso si Fritz Floreindo, 27, ng Vicente Cruz St. dahil sa reklamo ng ex-girlfirend na si Myra (hindi tunay na pangalan), 20, casino dealer.
Ayon kay SPO1 Jacob Cebreros, alas-2:50 ng madaling-araw nang dakpin ang suspect sa loob ng Biak-na-Bato Bar and Restaurant sa Retiro St., Sampaloc.
Nauna rito, nakaaway umano ni Myra ang kaibigang babae ng suspect na ikinagalit ng huli at pinagbantaang ia-upload ang kanilang sex photos kung hindi titigilan ang pag-away sa kaibigang babae. Huli na nang matuklasan ni Myra na tinotoo ng suspect ang kanyang banta nang makita niya sa Facebook account ang nasabing mga larawan.
Itinanggi naman ng suspect na siya ang nag-upload ng sex photos nila ni Myra at sinabi niya na may access ang biktima sa kanyang FB account. Narekober naman ang cellphone ng suspect na naglalaman ng malalaswang larawan.