P2-M halaga ng alahas nalimas sa lola

MANILA, Philippines - Umabot sa mahigit sa P2 milyong halaga ng alahas ang natangay sa isang 77-anyos na ginang matapos na pagnakawan ng hindi pa matukoy na suspect sa loob ng kanyang bahay sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ang insidente ay nabatid makaraang dumulog sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District ang biktimang si Feliza Borje, retiradong travel agent para magreklamo hinggil sa naturang pagnanakaw.
Sinasabing natangay sa biktima ang isang piraso ng chain na may pendant na nagkakahalaga ng P500,000; isang piraso ng kuwintas na may diamond (P500,000); isang set ng earrings na may two-carat diamond (P500,000); at pitong piraso ng diamond rings P100,000.
Sa pagsisiyasat ni SPO1 Cristituto Zaldarriaga, ang pagkawala ng mga alahas ay nadiskubre mismo ni Borje, ganap na ala-1 ng madaling-araw. Huli umanong nakitang intact ang naturang mga alahas ng biktima noong ikalawang linggo ng Nobyembre ng kasalukuyang taon.
Sabi pa ni Zaldarriaga, ang biktima ay nakahimpil sa kanyang bahay kasama ang manugang na si Ernesto Mariano, 56, at  kasambahay na si Roxan Alburo, 19.
Sa ngayon, patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad upang malaman kung sino ang magnanakaw at kung papaano ito nakapasok sa loob ng bahay dahil walang nakitang force entry at may mga alaga pa itong tatlong aso.
Bagama’t madalang namang umalis ng kanyang bahay si Borje, wala naman anyang nakitang kakaiba ito at kasambahay na nangyayari rito sa nakalipas na mga araw.
 

Show comments