MANILA, Philippines - Arestado ang isang mister matapos pagtripan na latiguhin sa likod ang kapitbahay na paslit sa Caloocan City kamakalawa.
Nahaharap sa kasong child abuse ang suspek na si Jesryl Antofina, 38, ng Salay-Salay St., ng nabanggit na lungsod.
Sa ulat ng Caloocan City Police, dakong alas-3:00 ng hapon, naglalaro ang bata na itinago ang pangalan sa nasabing lugar, nang lapitan ng suspek at hampasin ng nylon cord sa likod.
Naglatay ang likod ng biktima na naging dahilan upang mag-iiyak ito at nang malaman ng mga magulang ng una ay humingi ng tulong sa mga pulis at ipinadakip ang suspek.
Hindi naman masabi ng suspect kung bakit niya nilatigo ang paslit na sa paniwala ng pulisya ay nag-trip lamang ito.