MANILA, Philippines - Isang negosyante ang nasawi makaraang pagbabarilin ng dalawang holdaper matapos manlaban ang una habang kinukuha ng mga huli ang dala niyang pouch bag sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang nasawi na si John Villagracia, 39, ng Commonwealth Avenue, Brgy. Holy Spirit sa lungsod.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya laban sa mga suspect na mabilis na tumakas makaraan ang insidente.
Nangyari ang insidente sa may Pares Eatery na matatagpuan sa kahabaan ng BF Road, Brgy. Holy Spirit ganap na alas-3 ng madaling-araw.
Sabi ng testigong si Mitchelo Logrono, kaibigan ng biktima, umoorder sila ng pagkain nang isa sa mga suspect ang biglang sumulpot mula sa kanilang likuran at may bitbit ng baril saka nagdeklara ng holdap.
Kasunod nito, agad na hinablot ng nasabing suspect ang bag ng biktima, pero nanlaban ang huli at nakipag-agawan sa baril ng suspect.
Nakita naman ng isang kasamahan ng suspect ang pagpapambuno ng dalawa at nagpasyang tulungan ang kasama hanggang sa mauwi ito sa komosyon.
Ilang sandali, umalingawngaw ang mga putok ng baril at nakitang may tama ang biktima. Kahit sugatan, nagawa pang makatakbo ng biktima sa loob ng Pares Eatery, pero sinundan siya ng mga suspect saka muling pinagbabaril sa katawan at ulo at saka mabilis na nagsitakas.