Tama bang umasa pa?
Dear Dr. Love,
Araw-araw, ako ang nag-iisip kung paano pagkakasyahin ang kinikita namin para sa pagkain, bayarin, at iba pang pangangaila-ngan ng pamilya.
Paulit-ulit akong nagbibilang ng pera, nagtitipid, at minsan ay isinasakripisyo na ang sarili kong pangangailangan para lang matiyak na maayos ang buhay ng aming mga anak. Pero sa kabila ng lahat ng ito, parang ako lang ang nagdadala ng responsibilidad.
Ang mister ko po kasi, sa tuwing may pro-blema, alak ang kanyang takbuhan. Imbes na maghanap ng paraan para madagdagan ang kita o kahit man lang damayan ako sa bigat ng buhay, mas inuuna pa niya ang inuman. Napapagod na po ako, Dr. Love.
Pakiramdam ko, mag-isa kong pasan ang mundong dapat sana ay kaming dalawa. Hindi ko naman sinasabing hindi siya nagtatrabaho, pero kulang ang effort niya bilang padre de pamilya. Mahal ko siya, kaya hanggang nga-yon ay pinipili kong magtiis. Pero paano po kung dumating ang araw na sumuko na rin ako? Tama pa po bang umasa na magbabago siya o baka naman ako na lang ang mag-adjust at tanggapin na ganito na ang buhay namin?
Melie
Dear Melie,
Hindi madali ang pinagdadaanan mo—ang pagiging haligi ng tahanan ay hindi lang dapat responsibilidad ng isa. Ang pagsasama ay isang partnership, at dapat ay magkasama kayong humaharap sa hirap at ginhawa ng buhay. Alam kong mahal mo ang iyong asawa, kaya ka nagtitiis. Pero tandaan mo rin na hindi lang pagmamahal ang pundasyon ng isang matibay na relasyon—kaila-ngan din ng respeto, pang-unawa, at higit sa lahat, pagkakaisa sa pagharap sa mga hamon ng buhay.
Kung patuloy kang nagpapasensya nang hindi mo ipinapaalam sa kanya ang tunay mong nararamdaman, baka isipin niyang ayos lang ang ginagawa niya. Kausapin mo siya ng mahinahon pero diretsahan.
Ipaliwanag mo sa kanya ang bigat na dinadala mo at kung paano naaapektuhan ang inyong pamilya. Sabihin mo rin kung gaano mo siyang kailangan bilang katuwang, hindi bilang dagdag na alalahanin.Mahalaga ang pamil-ya, pero tandaan mo: Mahalaga ka rin. Huwag mong hayaan na solohin mo ang bigat ng mundo kahit na hirap na hirap ka na. Alagaan mo rin ang iyong sarili.
DR. LOVE
- Latest