Duwag pala

Dear Dr. Love,

Hindi ko naman pinagpipilitan ang sarili ko sa magiging mister ko, kung ayaw talaga niyang magsama kami o kaya’y panagutan ang magi-ging anak namin.

Ang lungkot lang isipin na pinagdududahan niya na siya ang ama ng dindala ko sa aking sinapupunan.

Marami pa siyang alibi, kesyo hindi pa siya handa.

Naaawa ako noon sa mga nabubuntis tapos iniiwan. Ngayon, ako na ang kinakaawaan ng mga magulang ko.

Sinabi ko sa kanila na wala silang dapat ikabahala. Tanggapin man ako ng lalaking minahal ko o hindi, itataguyod ko pa rin ang kinabukasan ng magiging anak namin.

Inaamin ko naman na ginusto ko ang lahat at wala akong pinagsisisihan sa nangyari sa amin, dahil sa pagmamahal at tiwala ko sa kanya.

Nanghihinayang ang magulang ko dahil mahihinto ako sa pag-aaral. Pero sinabi ko sa kanila na hindi pa katapusan ng mundo para sa akin at sa magiging anak ko.

Mahal ko ang ama ng aking magiging anak, pero hindi ko siya mapipilit kung ayaw niya.

Pagsisisihan niya ang kanyang kaduwagan.

Belle

Dear Belle,

Humahanga ako sa taglay mong positive mindset. Sang-ayon ako na hindi mo pag-aksayahan ng panahon ang lalaki na bagama’t minamahal mo ay naging duwag naman sa pananagutan.

Nawa’y magsilbing aral ang karanasan mo sa mga magkasintahan, na kung hindi kaya panagutan ang magiging bunga ay huwag maging mapusok.

DR. LOVE

Show comments