Pangulong Marcos pumalag sa ‘banta’ ng Chinese envoy

MANILA, Philippines — Pumalag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pahayag ng ambassador ng China na madaling mananalo ang Beijing sa Maynila sa isang labanan.
Ayon sa Pangulo “mukhang banta” ang binitiwang salita ni Chinese Ambassador Jing Quan kaya ipatatawag niya ito sa Malacañang.
“Well, it sounds very much to me like a threat,” ani Marcos sa isang panayam matapos niyang dumalo sa ika-125 anibersaryo ng pagkakatatag ng Philippine Coast Guard.
Pinuna ni Marcos na ang pahayag ay hindi isang diplomatic statement.
Nang tanungin kung ipapatawag niya si Jing, sinabi ni Marcos na kailangan nilang mag-usap ng ambassador.
“That deserves a discussion between the ambassador and myself,” ani Marcos.
Ipinahiwatig ng Pangulo na kailangang liwanagin kung ano ang ibig sabihin ng ambassador.
“We perhaps would like to understand what exactly it is that he means,” dagdag niya.
Ang pahayag ng embahador ay ginawa isang araw matapos tawagin ni Defense Secretary Gilberto Teodoro na “troublemaker” sa rehiyon ang Beijing.
“We should feel fortunate enough that you have a neighbour like China in this region,” sinabi ni Jing sa mga lokal na mamamahayag sa Maynila noong Huwebes.
“If we want to use force, we may easily win. But no, we will not choose force, and we love peace,” aniya matapos magbigay ng talumpati sa isang paaralan sa Maynila.
Sinabi rin ni Jing na “nonsense” ang pagtawag sa China bilang troublemaker.
Bagaman at hindi nagbigay ng detalye, inakusahan ni Jing ang Maynila ng pangha-harass sa mga manggagawa at guro ng China.
Sa kabila nito, tiniyak naman ng Malacañang na nais ng Pangulo na maiwasan ang paglala ng relasyon ng Pilipinas at China, at binigyang-diin ang kanyang direktiba na lutasin sa pamamagitan ng diplomasya ang mga hindi pagkakaunawaan sa Beijing habang pino-protektahan ang teritoryo at mga interes nito sa karagatan.
“Hindi nais makita ng ating pamahalaan, ng Pangulo, na darating yung punto na hindi magiging maganda yung relasyon ng China at ng Pilipinas,” sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro.
“Kaya ang utos ng Pangulo, ang pakikipag-usap sa pamunuan ng China ay in a diplomatic manner dahil hindi nais ng Pangulo na masira ang relasyon ng dalawang bansa,” dagdag niya.
Aniya, kinikilala ng Pangulo ang kahalagahan ng pagpapanatili ng ugnayang bilateral, partikular sa kalakalan at pamumuhunan.
Gayunman, iginiit ni Castro na patuloy na ipagtatanggol ng administrasyon ang teritoryo at pambansang interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea, at binigyang-diin na ang pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng diplomasya ay hindi nangangahulugang isinusuko ng bansa ang mga karapatan at pag-aangkin nito sa karagatan.
- Latest
























