PANOORIN: Depensa, nag-sorry: Wala kaming intensyong manakot
MANILA, Philippines — Humingi ng paumanhin ang defense counsel na si Mark Vinluan matapos umani ng batikos ang depensa mula sa mga senator-judges dahil sa umano'y pananakot nito kaugnay ng pagsisiwalat ng mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
"It is never our intention to cause intimidation, especially to the members of this honorable impeachment court," ani Vinluan sa pagpapatuloy ng impeachment trial ngayong Martes, Oktubre 6.
Ayon kay Vinluan, ang intensyon ng depensa sa kanilang cross-examination ay para subukan ang kredibilidad ng testigo, at kabilang dito ang pagharap sa kanya ng mga dokumento at mahahalagang probisyon ng batas.
"If in any way a different message was indirectly conveyed, I personally apologize and commit to be more circumspect moving forward," aniya.
Sa kanyang manifestation, nabanggit din ni Vinluan si senator-judge Lito Lapid at nagpasalamat dito para sa maja blanca.
Nauna nang sinabi ni senator-judge Raffy Tulfo na natatakot nang magsalita si Lapid dahil umano sa naging kilos ng depensa.
"Tuloy, si Lito Lapid takot na magsalita. Balak pa naman sana ni Lito Lapid magtanong. Tinakot niyo si Lito Lapid. Come on," ani Tulfo sa impeachment trial nitong Lunes, Oktubre 5, kung saan humarap ang testigong si AMLC Executive Director Ronel Buenaventura.
Kabilang din sa mga bumatikos sa depensa sina senator-judges Kiko Pangilinan, Tito Sotto, at Risa Hontiveros. — Karagdagang ulat mula kay Ian Laqui
- Latest
























