Pangulong Marcos: Pinas ‘di pagsisimulan ng gulo sa West Philippine Sea

MANILA, Philippines — Nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pagsisimulan ng kaguluhan ang Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS), subalit handang ipaglaban ang soberenya at integridad ng teritoryo nito.
Sa podcast ng Pangulo, iginiit niya na bibigyang proteksyon ng pamahalaan ang mga mangingisdang Pilipino laban sa anumang panggigipit habang sila ay nasa loob ng katubigang sakop ng bansa.
“Hindi naman tayo nakikipag-away. Pero huwag ninyong binabangga ang mga mangingisda, ‘di ba? Huwag ninyo kaming hinaharang sa teritoryo namin. ‘Yan ang ipaglalaban talaga namin,” sabi ng Pangulo.
Kapag ibinigay aniya ang kahit na maliit na teritoryo ay milya ang kanilang aangkinin kaya hindi dapat itong palampasin.
“Dahil kapag ibinigay mo ‘yan—tulad ng kasabihan: ‘You give them an inch, they will take a mile.’ Kaya hindi mo puwedeng palampasin kahit isang pulgada,” ayon pa kay Marcos.
Maitatala rin aniya sa kasaysayan na sa ilalim ng kanyang administrasyon, ipinaglaban at ipinagtangol ng Pilipinas ang teritoryo nito sa WPS, kaya giit niya patuloy na ipagtatanggol ang soberenya ng Republika at patuloy na poprotektahan ang sambayanan.
Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang ahensya ng pamahalaan ang maraming insidente ng panggigipit ng mga barko ng China sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
- Latest