Bangkay ng 34 missing sabungeros, sisisirin – DOJ

MANILA, Philippines — Handang magpadala ng mga tactical divers si Justice Secretary Crispin Remulla para makumpirma kung totoo nga na inilibing sa Taal Lake ang 34 missing sabungero.
Kasabay nito, inihayag naman ni PNP Chief PGen. Nicolas Torre III na handa itong pangunahan ang paghahanap sa mga labi ng mga sabungero na may apat na taon ng nawawala.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, gagamitin nila ang mga naging pahayag at rebelasyon ng itinuturing na state witness at whistle blower na si alyas “Totoy” upang muling maumpisahan ang imbestigasyon sa pagkawala ng mga sabungero.
Sinabi ni Fajardo na maituturing na isang malaking development ang mga pahayag na ito ni Totoy para agad na maresolba at mabigyan ng hustisya ang mga sabungero maging ang mga pamilya nito.
Bagama’t isang malaking breakthrough sa kaso ang rebelasyon, nanatiling isang malaking hamon para sa PNP ang paghahanap sa mga labi ng mga sabungero lalo na’t nasa 34 na mga bangkay ang nakatakda nilang hanapin sa malawak at malalim na Taal Lake.
Kasunod naman nito ay nakahanda rin ang kanilang kapulisan na magbigay ng police assistance sa lumutang na witness upang matiyak ang seguridad at kaligtasan nito.
Nakatakda ring makipag-ugnayan ngayon ang PNP sa bagong witness para mahingan ito ng opisyal na mga pahayag na siyang magagamit sa paghahanap sa mga naturang bangkay.
Matatandaang anim na security guards ng Manila Arena ang sinampahan ng kasong kidnapping at serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng 34 sabungero subalit Disyembre 2023 nang payagang makapagpiyansa.
- Latest