34 missing sabungeros todas na, ibinaon sa Taal Lake!

MANILA, Philippines — Patay na lahat ang 34 sabungero na nawawala at nakabaon ang kanilang mga bangkay sa isang lugar sa Taal Lake.
Ito ang ibinunyag ng isa sa mga suspek na gustong maging “state witness” sa kaso ng mga missing sabungeros.
Ang suspek, isa sa anim na security guards sa Manila Arena, ay gumawa ng kanyang rebelasyon sa panayam ng GMA News 24 Oras na inere kagabi.
Nauna nang tinukoy ng Philippine National Police (PNP) ang mga suspek sa pagkawala ng mga sabungero na sina Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion at Ronerto Matillano Jr.
Sinabi ng suspek na kinilala lang sa alias “Totoy” sa televised interview na isa na ngayong hamon sa pulisya para makilala ang mga labi ng mga biktima.
“Paano mabubuhay ’yan eh nakabaon na ‘yan doon sa Taal Lake. Lahat ‘yan kung huhukayin mga butu-buto na lang, paano natin makikila na sila ‘yun,” ayon kay Totoy.
Ikinuwento ni Totoy na pinatay ang 34 sabungero sa pamamagitan ng pagbigti sa kanilang leeg gamit ang tie wire o alambre.
“Killing me soflty, yung tie wire pinipihit sa leeg,” dagdag nito.
Ayon kay Totoy, nagpasya siyang lumantad at sabihin ang mga nalalaman sa krimen dahil sa mga natatanggap na pagbabanta sa kanyang buhay at ng kanyang pamilya. Handa rin umano siyang pangalanan ang nag-utos sa pagpatay sa mga sabungeros sa tamang panahon.
Dagdag pa niya, ang mga biktima ay pare-pareho lang na nandadaya sa laro ng sabong.
Aniya, inindorso o ipinasa nila ang mga biktima sa ibang grupo na hindi niya pinangalanan.
“Bahala na kayo diyan. Sila mismo ginagawa nila tinatalian na ‘yung ‘yung plastic na pantali, kinakarga na sa van,” pahayag ni Totoy.
Bukod sa mga sabungero, ibinunyag ni Totoy na nakalibing din umano sa Taal Lake ang mga drug lords.
- Latest