Nasunog na iskul sa Quezon City palitan agad – Marcos

MANILA, Philippines — Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang agarang konstruksyon ng bagong gusali sa nasunog na isang gusali sa Francisco High School sa Bago Bantay, Quezon City.
Ito ang sinabi ng Pangulo matapos na personal na makita at inspeksyunin kasama si Quezon City Mayor Joy Belmonte ang idinulot na sunog sa nasabing paaralan.
Sa isang ambush interview, iginiit ni Marcos na hindi na uubra pa ang pagkumpuni lamang sa nasunog na gusali dahil hindi na talaga ito mapapakinabangan sa usapin ng structural integrity.
Dahil dito kaya inatasan ng Presidente ang DPWH na magsagawa ng plano para agad masimulan ang konstruksyon ng bagong gusali.
Mula sa dating 2 palapag ay gagawin na itong 4 na palapag bilang bahagi na rin ng pag-upgrade sa paaralan at mga pasilidad nito.
Siniguro naman ng Pangulo na agarang ibibigay ang mga teaching materials tulad ng tv sets, computer set, desktop at projector para magampanan ng mga guro ang kanilang trabaho gayundin ang mga reading materials para sa mga estudyante.
- Latest