Fuel subsidies tiniyak sa sirit-presyo ng langis

MANILA, Philippines — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbibigay ng fuel subsidy sakaling tumaas ang presyo ng langis dahil na rin sa tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Ito ang tugon ng Pangulo sa tanong kung ano ang ginagawang paghahanda ng pamahalaan sa epekto ng kaguluhan ng dalawang bansa.
Ayon kay Marcos, inaasahan na nila na tataas ang presyo ng langis dahil ang Hormuz Strait ay haharangan sakaling tumindi ang kaguluhan doon at hindi makakalabas sa pinagmumulan ng langis kayat tiyak na ang pagtaas sa presyo nito.
‘’So the subsidies that we have always given, fuel subsidies, that we gave to, if you remember during the pandemic, lalong-lalong na ‘yung mga napapasada, ‘yung mga may hanap-buhay naman sila, binigyan nating fuel subsidies,” saad ni Marcos.
Sa ilalim ng umiiral na polisya, ang fuel subsidies para sa public transport drivers at mga magsasaka ay awtomatikong activated sa sandaling tumaas ang presyo ng krudo sa Dubai at umabot ito sa $80 kada bariles.
Sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA), naglaan ng P2.5 bilyon sa pamamagitan ng Department of Transportation (DOTr) para sa fuel subsidies ng mga driver ng public utility vehicles, mga taxi, ride-hailing services at delivery platforms sa buong bansa.
- Latest