Asylum ni Roque sa Netherlands binutata – DOJ
MANILA, Philippines — Tinanggihan ang hiling na political asylum ni dating presidential spokesperson Harry Roque sa The Hague, Netherlands, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Taliwas naman ito sa naging pahayag ni Roque kamakailan na nagsabing hindi totoo na na-deny ang nasabing kahilingan.
“Hindi siya nabigyan ng asylum ng Netherlands kaya nasa Germany na ang pagbibigay nito kung baka sakali,” ani Remulla.
Hihintayin na lamang aniya ng DOJ ang resulta ng political asylum na inihain ni Roque sa Germany.
Paliwanag pa ng kalihim, sa oras na kinansela na ang pasaporte ni Roque ay maidedeklara na siyang undocumented alien at maaring arestuhin ng Interpol.
“Hihintayin natin, Puwede naman file-an ng extradition pagdating ng panahon pero baka hindi na kailangan kasi kakanselahin naman ang passport niya, kapag naging undocumented alien yan, pupuwede nang kunin ng Interpol,” aniya pa.
Samantala, “fake news” naman ang sagot ni Roque sa sinabi ni Remulla patungkol sa kaniyang asylum.
”On the alleged asylum denial, I am not surprised that the Marcos Jr. Administration, through the Department of Justice, has become the purveyor of fake news. Strike two na ang DOJ Secretary. Una, sinabi niya na mayroon daw akong multiple passports. Ngayon, denied asylum. Ano ito? Nakalap ang impormasyon sa usapang Maritess...,” ani Roque sa kaniyang FB post nitong Miyerkules.
Sinabi niya na ang pagtungo niya sa Germany ay imbitasyon ng Filipino community na Hakbang ng Maisug Germany, na ngayon ay nakabalik na siya sa Netherlands.
Hamon pa niya, hindi na kailangan ng bilyong confidential fund para ma-trace ang lokasyon niya dahil nasa Facebook account lahat ito.
- Latest