VP Duterte: Kalayaan ‘wag isuko sa mga taksil!
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan kahapon ni Vice President Sara Duterte ang mga Pinoy na ipaglaban ang kalayaan at huwag itong isuko sa mga taksil.
“Hindi tayo lumaya para masadlak lamang sa pagdurusa ang ating bansa. Hindi tayo lumaya para muling mawalan ng karapatan at maging alipin ng iilan,” ayon kay VP Sara, sa kanyang mensahe sa mga Pinoy para sa Araw ng Kalayaan.
Paalala pa ng Bise Presidente, ang kalayaang ating tinatamasa sa ngayon ay bunga ng mga sakripisyo at wagas na pagmamahal ng ating mga bayani sa bansa.
Dagdag pa niya, “Sa kanilang mga sakripisyo at pagbubuwis ng buhay ay natamasa natin ang kalayaan at namuhay tayo bilang bansang isinusulong ang sariling adhikain, interes, o pangarap.”
Giit pa niya, ang pagyakap sa kultura ng pagkaalipin ay isang paglapastangan sa alaala ng ating mga bayani habang kalapastanganan din aniya sa diwa ng kalayaan ang pagbalewala sa paghihirap ng maraming Pinoy, gayundin ang paglabag sa ating mga karapatan at batas.
Naniniwala rin si VP Sara na “Kabilang sa mga hamon sa ating kalayaan ay ang pagmamalabis at katiwalian sa gobyerno, laganap na droga, problema sa edukasyon, kahirapan at gutom.”
Si VP Sara ay kasalukuyang nasa Kuala Lumpur, Malaysia kasama ang kanyang pamilya para sa isang “personal trip”.
- Latest