OWWA exec sibak din sa P1.4 bilyong land deal!

MANILA, Philippines — Sinibak na rin ng Malakanyang si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Deputy administrator Emma Sinclair dahil sa alegasyon ng maanomalyang land acquisition deal na pinasok nito at ni dating OWWA administrator Arnell Ignacio.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na sinibak si Sinclair sa kanyang puwesto dahil sa kawalan ng trust and confidence kaugnay sa P1.4 bilyon na pagbili ng lupa.
‘Maliban po diyan, mayroon pa pong isa na makakasama, ang deputy [administrator] na si Emma Sinclair, pareho po silang tinanggal. Hindi po sila pinag-resign,’’ paglilinaw pa ni Castro.
Ayon kay Castro, dapat na magsilibing babala ito sa lahat ng public servants sa gobyerno na maaari silang masibak kung hindi nila gagawin ng tama ang kanilang mga trabahong sinumpaan.
Matatandaan na inalis sa puwesto si Ignacio matapos mabisto ang P1.4 bilyon land purchase deal para sa tatayuan ng dormitory type accomodation para sa OFWs na matatagpuan malapit sa NAIA Terminal 1.
Si Ignacio ay pinalitan ni OWWA administrator Patricia Yvonne Caunan.
Nauna namang sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na inaalam pa nila kung natuloy ang nasabing proyekto o hindi.
- Latest