Salceda: May oras pa para ipasa ‘Seniors Universal Social Pension bill’

MANILA, Philippines — “May sapat na panahon pa para maipasa at maisabatas ang panukalang ‘Universal Social Pension bill’ para sa mga ‘Senior Citizens’ na sadyang kailangan ito.” Ito ang pahayag ni House Ways and Means Committee chair, Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda’ Pasado na sa Kamara ang panukala at nasa Senado na ito sa komite ni Sen. Imee Marcos. Naniniwala si Salceda na maaaring maipasa ito sa mataas na kapulungan sa natitirang dalawang linggo ng 19th Congress, dahil si Sen. Imee Marcod ay isa sa mga pangunahing ‘advocates’ nito sa Senado. Sa huling liham ni Salceda kay Sen. Marcos nitong Mayo 15, tiniyak ng una na suportado niya ang bersiyon ng ‘bill’ na naglalayong pagkalooban ng buwanang P500 ang mga ‘seniors’ na 60 hanggang 69 taong gulang, at buwanang P1,000 sa mga 70 taong gulang pataas.
Ang naturang mga ayudang pensiyon ay mayrong annual inflation adjustments habang pananatilihin naman ang umiiral na buwanang P1,000 pensiyon para sa mahihirap na seniors. “Ito ang dahilan kung bakit isinulong ko ang mga ‘fiscal reforms’ gaya ng VAT sa mga dayuhang ‘digital service providers.’ Kailangan natin ng pambansang ‘policy framework’ para tugunan ang dahan-dahang pagkalusaw ng mga ‘universal basic income,’ para mapondohan ang pagkawala ng karaniwang trabaho dulot ng mga makabagong teknolohiya.
Paraan ito upang ang mga kapakinabangang bunga ng bagong mga teknolohiya ay mapupunta pa rin sa mga mamamayan,” paliwanag ni Salceda. “Dalawang linggong huling sesyon na lang kami. Kung ito ay gagawin, ngayon na dapat. Ito ay isang pamanang maiiwanan naming sa ating mga kababayan,” giit ni Salceda na bumalangkas ng panukalang batas sa Kamara. Respetado at kilala siyang mahusay na ekonomista. Bababa na siya sa Kongreso sa Hunyo 13. Tiniyak ni Salceda na ang panukalang batas ay hindi lamang sadyang kailangan at siguradong mapopondohan ang kailangan nitong paunang P88.2 bilyong badyet para sa 10.1 milyong seniors sa buong bansa. Ipinaliwanag ni Salceda na “isinaayos at pinagsama-sama nila ang nakakalat at ‘politicized cash doles’ sa isang mlinaw na ‘rights-based entitlement.’ Magiging higit na mabisa, makatao, at patas na balangkas ito. Itinuturing na unang hakbang ang panukala tungo sa isang ‘universal basic income, na lubhang kailangan bilang tugon sa mga trabahong nilulusaw ng mga bagong teknolohiya,” dagdag niya.
- Latest