Comelec: Walang budget sa manual recount ng boto

MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na kinakailangan munang amiyendahan ang Republic Act No. 9369 o Automated Election Law o di kaya ay magpasa ng bagong batas upang bigyang-daan ang pagdaraos ng manual recount.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Garcia kasunod ng ilang panawagan na bilanging muli ng manu-mano ang mga boto sa katatapos na May 12 midterm polls.
Ayon kay Garcia, ang layunin ng naturang batas ay magkaroon ng ‘full’ automated polls, na hindi na kinakailangan ng manual counting ng mga boto.
Gayunman, nakasaad din aniya sa batas ang pagdaraos ng random manual audit (RMA) na ang intensiyon ay maberipika kung tama ang ginagawang pagbibilang ng mga makina sa mga balota.
Dagdag pa ni Garcia, wala ring budget ang Comelec para sa manual recount ng mga balota.
“Wala po kasi tayong budget para diyan sa mga pagbibilang na ganyan kung talaga bang ‘yan ay pine-prescribe. Bakit? Simula nu’ng 2010 na nag-automated election tayo, ay wala po tayong mga ganyang klaseng pagbilang,” ayon kay Garcia, sa panayam sa radyo. “Kung pagbibigyan natin sila, sino po magbibilang? Saan bibilangin? Magkano ang budget? Saan kukuhain ang budget? Anong proseso? Anong procedure ng pagbilang?”
Una naman nang sinabi ni Garcia na tanging isang election protest ang maaaring mag-trigger para sa manual recount ng mga boto.
Naiproklama na rin ng Comelec ang 12 winning senators para sa Eleksiyon 2025 nitong Sabado.
Nakatakda namang iproklama ng poll body ang mga nanalong party-list groups ngayong Lunes, Mayo 19.
- Latest