Mindanao solons pabor sa impeachment ni VP Sara
MANILA, Philippines — Karamihan sa mga kongresista na taga-Mindanao na pumirma sa impeachment ni Vice President Sara Duterte ang nanalo sa katatapos lang na midterm elections.
Sinabi ni House Assistant Majority Leader at Tingog party-list Rep. Jude Acidre na sa 115 district representatives na pumirma sa impeachment at muling tumakbo sa pagka-kongresista ay 100 ang nanalo o 86.96%.
Habang sa 44 na kongresista na taga-Mindanao na pumabor sa impeachment at tumakbo, 36 ang nanalo o 81.81%.
Ayon kay Acidre, ang panalo ng mga kongresista ay maituturing na panawagan ng mga Pilipino para sa katotohanan at pagkakaroon ng pananagutan.
“What we’re seeing is a public that values courage over complicity. The people have drawn the line—and they stood with us,” dagdag pa nito.
Nauna rito, sinisi ni Alyansa para sa Bagong Pilipinas campaign manager at Navotas City Rep. Toby Tiangco ang impeachment kaya maraming kandidato ng administrasyon sa pagka-senador ang natalo.
Ayon kay Acidre, ang panalo ng mga kongresista na pabor sa impeachment ay maituturing din na suporta sa liderato ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Dahil dito kaya hinikayat ni Acidre ang kanyang mga kapwa kongresista na tigilan na ang sisihan at unahin ang pagtugon sa mga pangangailangan ng taumbayan sa ilalim ng Bagong Pilipinas agenda.
- Latest