Pangulong Marcos lalabanan ‘obstructionist’ sa gobyerno

MANILA, Philippines — Kahit hindi pa opisyal na tapos ang resulta ng 2025 midterm elections, welcome para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga “legitimate oppositionist” habang lalabanan naman niya ang “obstructionist” sa administrasyon.
Ito ang tugon ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa tanong kung paanong maapektuhan ang legislative agenda ng Pangulo sa nagbabadyang pagkakapanalo ng anim na kandidato ng administrasyon sa katatapos lang na senatorial elections.
Sagot ni Castro, umaasa ang Pangulo na ang mga nanalo sa eleksyon ay magtatrabaho at tutugunan ang pangangailangan ng publiko at welcome para sa administrasyon ang presensya ng mga lehitimong oppositionist subalit pipigilan ang mga obstructionist na iniisip lamang ang kanilang personal na kapakanan.
“Inaasahan din po ng administrasyon ang presensya ng lehitimong oppositionist pero lalabanan po ang mga obstructionist na nagtatago sa pangalan ng oppositionist... mga obstructionist na maaaring pansarili lamang ang kanilang ilalaban,’’ pahayag pa ni Castro.
Paliwanag niya, madaling makita o malaman kung sino lehitimong oposisyonistang ipinaglalaban ang bansa habang ang obstructionist naman ay walang gagawin kundi manira, walang nakikitang maganda sa ginagawa ng gobyerno at ang sariling interes lamang ang gustong palaguin.
Sakaling gumawa aniya ng fake news o kung anumang mga balita o statement ang obstructionists na maaaring makasira sa gobyerno na walang basehan kaagad aniya nila itong tutugunan.
- Latest