VP Sara: Oath-taking ni FPRRD, tinatalakay na
Sakaling manalo sa Davao mayoralty race
MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na tinatalakay na nila ang mga opsiyon sakaling kailanganin ng kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte na mag-oath taking kung palaring manalo sa mayoralty race sa Davao City kahapon.
Ayon kay VP Sara, base sa naging pag-uusap nila ng mga abogado ni FPRRD sa International Criminal Court (ICC) at sa Pilipinas kamakailan, mayroon silang tatlong opsiyon sakaling manalo sa pagka-alkalde ng Davao City ang kanyang ama, habang nakapiit ito sa detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa The Netherlands.
Sinabi ni VP Sara na ipagpapatuloy nila ang usapan hinggil sa isyu sakaling tuluyan nang manalo ang ama at makakuha sila ng proclamation papers nito.
Mayroon naman aniya silang hanggang Hunyo 30, matapos ang proklamasyon, upang makapanumpa ang dating pangulo sa puwesto.
Samantala, sinabi rin ni VP Sara na wala namang magiging legal issue sakaling wala ang ama sa Davao City habang nanunungkulan itong alkalde ng lungsod.
Aniya, nakasaad naman sa batas na kung wala ang alkalde, ay awtomatikong manunungkulan bilang acting mayor ang kanyang bise alkalde.
Ibinunyag din naman ni VP Sara na hindi nakaboto ang kanyang ama para sa midterm polls dahil hindi siya rehistrado bilang overseas absentee voter, na labis aniya nitong ikinalungkot.
Nabatid na mahigpit na kalaban ni FPRRD sa mayoralty race sa Davao City ang kanyang dating Cabinet secretary na si Karlo Nograles.
- Latest