Immigration records ng mga dayuhang suspek sa Anson Que kidnap-slay imbestigahan
MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel sa House Committee on Public Order and Safetry ang immigration records ng tatlong foreign nationals na isinasangkot sa kidnap-slay ng negosyanteng si Anson Que at driver nito.
“We have reason to believe that many foreigners involved in criminal activities entered the country during the height of the ‘pastillas scam’ – and their immigration records may reveal serious irregularities,” saad ni Pimentel, Vice Chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
Base sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP), ang tatlong Chinese national na sina David Tan Liao, Wenli Gong at Jonin Li kasama ang dalawa pang Pinoy ang itinuturong mga suspek sa pagdukot at pagpatay kay Que at driver nitong si Armanie Pabillo. Ang mga biktima ay kinidnap noong Marso 29 sa Valenzuela City.
“There is no doubt that the pastillas scam enabled the entry of numerous foreign nationals using fraudulent travel documents – some with clear criminal intent,” giit pa ng solon.
Ang ‘pastillas scam’ na namayagpag noong 2020 ay isang malakihang scandal sa korapsiyon na kinasasangkutan ng mga tiwaling immigration officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na tumatanggap ng malaking halaga ng suhol para payagan ang mga Chinese nationals na makapasok sa bansa na hindi na kailangan pang dumaan sa screening at dokumentasyon.
Si Liao, 48, ay napaulat na may-ari ng isang travel agency na nakabase sa Sta. Cruz, Manila.
“The pastillas scam starkly illustrated how systemic corruption at our borders can jeopardize national security and compromise immigration enforcement,” sabi pa ng solon.
Sina Liao ay kasalukuyang nasa kustodya na ng PNP habang sina Gong at Li ay patuloy pa ring pinaghahanap.
Una nang inianunsyo ng PNP ang P10 milyong reward para sa anumang impormasyon sa ikaaaresto ni Gong, 26, na pinaniniwalaang nagtago kay Que sa isang apartment sa Bulacan at driver nito na pinatay saka itinapon ang bangkay sa Rizal noong Abril 11.
- Latest