Pope Leo XIV, isa sa pinakamabilis na nahalal na Santo Papa
MANILA, Philippines — May bago nang Santo Papa ang Simbahang Katolika sa katauhan ni Pope Leo XIV.
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Conference of the Philippines (CBCP), si Pope Leo XIV ay isa sa Santo Papa na itinuturing na ‘fastest-elected pontiffs’ sa kasaysayan ng Simbahang Katolika matapos na maihalal sa ikalawang araw lang ng papal conclave.
Nakamit ng 133 cardinal-electors ang two-thirds ng kinakailangang majority upang ihalal si Pope Leo XIV sa puwesto, matapos lamang ang ikaapat na botohan.
Nalampasan nito ang bilis ng 2013 conclave na nagluklok sa puwesto sa yumaong si Pope Francis matapos ang limang botohan.
Sinabi ni CBCP spokesperson Jerome Secillano na posibleng bago ang conclave ay tinimbang at pinag-aralan na ng College of Cardinals ang credentials ni Pope Leo XIV kaya’t mabilis siyang naihalal sa puwesto.
“Ito na ‘yung pinakamabilis kasi parang umabot lang yata ng four ballots. ‘Yung factor siguro dito even before, kino-consider na nila itong si Cardinal Prevost,” pahayag ni Secillano.
Bago naging si Pope Leo XIV, ang bagong Santo Papa, na mula sa Amerika, ay kilala bilang si Cardinal Robert Francis Prevost.
Siya ay humawak ng high-ranking positions kabilang na rito ang pagiging Prefect of the Dicastery for Bishops at pangulo ng Pontifical Commission for Latin America noong 2023.
Sa edad na 69-taong gulang, si Pope Leo XIV ang pinakabatang Santo Papa ng 21st century at kauna-unahang Amerikano na mamumuno sa Simbahang Katolika.
- Latest