VP Sara pinatawag na ng DOJ sa ‘death threat’ vs Pangulong Marcos

MANILA, Philippines — Kinumpirma mismo ni Vice President Sara Duterte na nakatanggap na siya ng summon mula sa Office of the Prosecutor kaugnay sa reklamong inihain laban sa kanya ng National Bureau of Investigation (NBI) na may kinalaman sa kanyang pahayag na may inutusan na siyang tao upang patayin sina Pang. Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez, sakaling ipapatay siya ng mga ito.
Ang pagkumpirma ay ginawa ni VP Sara sa isang ambush interview sa Sogod, Southern Leyte nitong Martes ng gabi.
Ayon kay VP Sara, “In fact, ako man ay naka-receive din kanina ng summons sa Office of the Prosecutor sa finile ng NBI na kaso laban sa akin.”
Kinumpirma rin naman ni Prosecutor General Richard Fadullon na ipinatawag na nga nila ang Bise Presidente hinggil sa gagawing paunang pagdinig sa naturang kaso sa Mayo 9 at Mayo 16.
Matatandaang noong Pebrero, una nang inirekomenda ng NBI ang paghahain ng mga kasong inciting to sedition at grave threat laban kay Duterte matapos na aminin sa isang online press conference na may inutusan na siya upang patayin si PBBM, gayundin ang kanyang maybahay at pinsan, sakaling magtagumpay umano ang planong patayin siya.
Sinabi pa ng bise presidente na hindi biro ang kanyang sinabi.
Malaunan, nilinaw ni VP Sara na hindi niya pinagbantaan ang buhay ng mga Marcos at ‘maliciously taken out of context’ lamang umano ang kanyang sinabi.
- Latest