BOC umiskor, P101 milyong marijuana nakumpiska

MANILA, Philippines — Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Customs Intelligence and Investigation Service (BOC-CIIS) ang P101 million na halaga ng marijuana mula sa isang shipment na galing ng Thailand at dumating sa Manila International Container Port (MICP).
Ayon kay Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy, nakatanggap ang BOC-CIIS ng derogatory information kaugnay sa nasabing kargamento kaya agad itong hinarang sa MICP sa bisa ng kautusan ni BOC Commissioner Bien Rubio.
Sa 136 na balikbayan boxes, nagsagawa ng 100% physical examination sa 5 sa mga ito at doon nakita ang 72,178 grams ng dried marijuana leaves na mayroong tinatayang street value na P101,049,200.
Ayon kay Uy, idineklara ang mga kargamento na naglalaman ng personal effects at household goods.
Sinabi ni BOC-CIIS Director Verne Enciso, na ang 5 balikbayan boxes na isinailalim sa inspeksyon ay unang minarkahan bilang naglalaman ng beauty products, assorted shoes, at assorted dresses.
Ang 5 balikbayan boxes, ay may lamang 2 medium boxes na mayroong 13 heat-sealed transparent plastic bag na may lamang marijuana.
Kumuha na ng samples ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para maisailalim sa confirmatory testing.
Habang nagpapatuloy ang full inventory sa nalalabi pang mga kahon, ibinalik muna ang mga ito sa container van na nilagyan ng padlock at sinelyuhan.
Ang mga consignees, senders, at recipients ng kargamento ay mahaharap sa reklamong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
- Latest