Hamon sa NSC: Pangalanan mga kandidato na pro-China
MANILA, Philippines — Hinamon ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang National Security Council (NSC) na pangalanan ang mga kandidatong suportado at iniisponsoran ng China kaugnay ng gaganaping May 2025 elections sa bansa.
Ito’y kasunod nang ibinunyag sa Senado ni NSC Assistant Director General Jonaythan Malaya na may “mga indikasyon na nagsasagawa ng informations operations na inisponsoran ng China sa Pilipinas at nais makialam sa nalalapit na halalan”.
“Yung sinasabi nilang mga kandidato na sinusuportahan or influenced by the other country, kung China man ‘yan, kung ito ay suportang material, suportang mga disinformation against doon sa mga kalaban ng mga kandidatong sinusuportahan ng China, kailangan talaga maging specific ang National Security Council,” anang lady solon.
Una rito, nanawagan ang Young Guns sa Kamara na huwag iboto ang mga kandidatong pro-China kaugnay ng isyu sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi pa ni Castro na ang Comelec ay dapat din aniyang maging mulat at maimbestigahan kung may katotohanan ang nasabing alegasyon lalo na at malapit na ang halalan dahil isa itong paglabag sa Omnibus Election Code kaya dapat seryosohin.
Nanawagan din si Castro sa mga botante na maging vigilante at huwag iboto o suportahan ang mga kandidatong bina-backup ng mga dayuhan na lubhang nakakabahala dahil ang dadalhin ng mga ito ay ang interes ng China sa halip na ang paninindigan ng mga Pinoy at ng bansa.
- Latest