Solusyon sa brownout, irigasyon at rice tariffication law unahin
MANILA, Philippines — Nangakong uunahin ni dating DILG Secretary at kandidatong senador na si Benhur Abalos Jr. ang pagsasaayos ng problema sa sunud-sunod na brownout, problema sa irigasyon at ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law kapag nahalal siya sa Senado.
Balak ni Abalos na magsagawa ng mga on-site Senate hearing sa mga probinsyang araw-araw nakakaranas ng brownout, partikular sa Bicol kung saan nakakaranas ng anim na oras na pagkawala ng kuryente kada araw ang mga residente.
Ipinunto ni Abalos na madalas ay sa Metro Manila lang ginagawa ang mga pagdinig tungkol sa problema sa kuryente kaya dapat aniyang dalhin mismo ang hearing sa mga lugar na apektado para makahanap ng tunay na solusyon.
Ayon kay Abalos, agad niyang tututukan ang problema sa kuryente sa unang 100 araw niya bilang senador kung papalarin.
Iginiit din niya ang panawagan na tanggalin ang value-added tax (VAT) sa kuryente at sa fuel para sa power generation, na aniya’y nagpapabigat sa bayarin ng taumbayan.
Binalikan din niya ang kanyang track record bilang DILG secretary kung saan pinabilis niya ang pagtatayo ng 26 transmission lines sa Visayas at Mindanao sa loob lamang ng anim na buwan.
Bukod sa kuryente, sinabi ni Abalos na dapat na ring amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL) dahil ito’y nagpahirap sa mga magsasaka at nagdulot ng mahal na bigas sa merkado.
- Latest