Palasyo umalma: P20/kilo ng bigas hindi panghayop!

MANILA, Philippines — Umalma ang Malakanyang sa mga bumabatikos na mababang kalidad at panghayop lamang ang P20 kada kilo ng bigas na ibinibenta ng gobyerno.
Nilinaw ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, na ang bigas na ibinebenta sa P20 kada kilo ay P33/kilo ang orihinal na presyo nito.
Mistulang minaliit aniya ng mga kritiko ang mga magsasakang nagbebenta ng kanilang palay sa National Food Authority (NFA) sa pagsasabing para sa pagkain ng hayop ang kalidad ng iaalok na bigas ng gobyerno.
Hindi rin aniya dapat maliitin ang mga lokal na magsasaka dahil sa kanila manggagaling ang bigas na ibebenta ng abot kaya sa mga mamamayan.
Pinayuhan naman ni Castro ang publiko na huwag magpa-budol sa mga nagkakalat ng fake news dahil maaaring magpanggap na bibili rin ng bigas ang mga ito at magamit sa kanilang propaganda para siraan ang gobyerno.
Nilinaw naman ng opisyal kaya sa Visayas gagawin ang pilot roll-out ng murang bigas ay dahil maraming reserba ang NFA sa rehiyon, at pumayag ang mga lokal na opisyal na i-subsidiya ang bigas na ibebenta nila sa kanilang constituents.
- Latest