Naniningil ng utang online nagpapadala pa ng bala
MANILA, Philippines — Binatikos ni Sen. Win Gatchalian nitong Miyerkules ang “unfair debt collection practices” ng ilang online lending company, kung saan ang ilan sa kanila ay nagpapadala pa ng bala at bulaklak ng patay.
Muling iginiit ni Gatchalian ang pangangailangan ng magpasa ng batas na magbabawal sa mga hindi makatarungang paraan ng paniningil ng utang ng mga online lending companies.
“Ang mga nagpapautang na ito, ginawa nga nilang mas madali para makautang ang mga tao. Pero isang araw lang na hindi makabayad, puro pananakot na ang ginagawa nila. Pinapahiya pa sa komunidad at minsan may pinapadalhan pa ng korona ng patay o bala,” ayon kay Gatchalian, batay sa maraming reklamo na natanggap ng kanyang opisina.
Nauna nang inihain ng senador ang Senate Bill No. 818 o ang Fair Debt Collection Practices Act, na nagbabawal sa sinumang maniningil ng utang na gumawa ng anumang kilos ng panliligalig o pang-aabuso sa isang may utang.
Partikular na ipinagbabawal sa panukalang batas ang paggamit o pagbabanta ng karahasan, paggamit ng malaswa o bastos na salita, at pagbubunyag ng pangalan ng may utang.
- Latest